Pagninilay sa Bunga ng Espiritu - Kabutihan
“ Nguni’t ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu : pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan…”(Galatia 5:22). “Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isat isa. At magpatawad kayo sa isat isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo” (Efeso 4:32). “ Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait…” (1 Corinto 13:4). Bakit ngayon ay nararamdaman mo na ang kabutihan ay nawawala na sa lipunan sa daigdig, at naka- lulungkot maging sa mga taong tinatawag na mga anak ng Dios at mga tagasunod ni Cristo? Bakit ang pagsusulat sa social media ng ating kaisipan ay parang salungat sa tagubilin na ang ating pakikipag-usap ay dapat gumamit ng “ kawili- wiling mga salita”? Bakit hindi tayo makisang-ayon o makipagtalo na hindi gagamit ng paninira sa kapwa? Nais kong banggitin ang sinabi ng aking apo kung siya ay naguguluhan sa isang bagay, “Ano ang nangyayari”?
Ito ba ay tunay na bagong suliranin? Ang mga lathalaing ito ay kasama sa pag-aaral ng mga kapatid na babae na pinangungunahan ko sa Bunga ng Espiritu. Sa kabuuan ng ating pag-aaral, isinulat ni Pablo sa mga taga-Galatia na nasa kalagitnaan ng pagtatalo ang tungkol sa mga Hentil na naging Kristiyano. Ang iba ay nag-utos na ang mga Hentil ay kailangang magpatuli sang-ayon sa kautusan ni Moses upang tanggapin ng Dios. Naramdaman ni Pablo na ang kanyang turo ay naging kaaway siya, at Siya’y nagbabala na, “nguni’t kung patuloy kayong mag-aaway-away na parang mga hayop, baka tuluyan na ninyong masira ang buhay ng isat isa.” Hindi magandang pakinggan na sila’y hindi mabubuti.
Ano kaya noong panahon ni Jesus? Basahin ang ika-9 na kabanata ng ebanghelyo ni Juan, ang ulat ng pagpapagaling ni Jesus sa isang bulag. Ang kanyang mga kapitbahay ay halos hindi siya nakilala sapagkat siya ay kilala lamang na isang namamalimos. Pumasok ang mga Pariseo na napagpasiyahan na parusahan si Jesus. Walang awa na tinanong ang tao at kanyang pamilya, at siya ay pinagbawalang pumasok sa sambahan nila. Walang sinasabi na may kagalakan nang siya ay makakita sa unang pagkakataon. Si Jesus, na may awa, ay hinanap ang lalaki at pinahintulutan Niya na Siya’y sambahin, ang İSA na nagpagaling sa kanya.
Balıkan natin ang nakaraang panahon at mga kuwento sa Biblia, at makikita natin ang mga halimbawa ng kabutihan, ang ilang panahon na ang mga tao ay mabuti sa isat isa. Mababasa natin ang halimbawa ni Boaz at Ruth, na pinanghawakan ang Batas at pangangailangan para sa awa at pagkupkop. Nguni’t sa maraming panahon , tulad sa panahon ng mga Hukom, sinasabi na “ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.”
Ito ang dahilan upang ako ay magnilay tungkol sa pagsamba sa mga dios-diosan. Ano ang tungkol sa dios-diosan na nagbigay sa inyo ng lakas ng loob upang maging mabuti? Ikaw ay naglilingkod sa mga dios-diosan - ang kanyang pangangailangan, ang kanyang mga nais, at utos, na sa katunayan, kung iisipin ay gawa lamang ng tao. Nasaan sa pagsamba sa mga idolong ito ang utos na pangalagaan ang kapwa tao, maging maawain sa mga mahihina, pagpaparaya sa kapwa? Hindi ito lamang ang tungkol sa pagsamba sa mga dios- diosan.
Bago tayo humiwalay sa kasaysayan, at ang kuro-kuro na tayo ay sasamba sa mga dios-diosan, alalahanin natin na ang mga idolo ay binibigyan natin ng pagpapahalaga upang makamit ang nais natin. Maaaring sa iba, ito ay ulan, aanihin, o pagkakaroon ng anak. Maaaring sa atin ay salapi, antas ng kabuhayan, okaginhawahan. Maaaring gumawa tayo ng sakripisyo sa mga idolong ito, nguni’t ang lahat ay para sa sarili, sapagkat ang dahilan ay makuha ang bagay na mahalaga sa atin. Ang kabutihan at ang mga salitang tulad ng awa, biyaya at habag ay tungkol sa pagtingin bukod sa ating sarili.
Ngayon, ay kilala na ninyo ako at ang pagsasaliksik ng salita, (word search). Nararamdaman mo na ito ay angkop na paraan upang magsimula sa pag-aaral ng isang natatanging paksa sa Kasulatan. Ako ay umaasa na kung ginagamit mo ang mga lathalaing ito sa pagninilay at matuto tungkol sa Bunga ng Espiritu, ikaw ay gagawa rin ng pagsasaliksik ng mga salita. Ang salitang “walang hanggang pag-ibig” ay matatagpuan ng 177 na ulit sa Kasulatan! ( Ang “lovingkingness” ay ginagamit sa New American Standard Version, at “steadfast love” sa English Standard Version). Sa ilang pangyayari, ang walang hanggang pag-ibig ay tumutukoy sa isang tao para sa kapwa, nguni’t ang higit na nakararami ay ang walang hanggang pag-ibig ng Dios.
Pakinggan ang paglalarawan ng Dios sa Kanyang sarili sa maringal na panahon na Siya ay dumaan sa harapan ni Moses:
“Dumaan Ang Panginoon sa harap ni Moses at sinabi, “Ako ang Panginoon na mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal Ako, at hindi madaling magalit. Ipinapakita Ko ang pagmamahal Ko sa maraming tao, at pinatatawad Ko ang mga kasamaan nila, pagsuway at mga kasalanan” ( Exodus 34:6 ).
At narito ang sandali ng aking pagkaunawa - ang uri na tila nangyayari lamang kung ikaw ay marahan sa pag-aaral ng Salita ng Dios, at nagninilay dito. Ang lahat ng kabutihan ay nasa Dios lamang. Ang tanging lugar na tayo’y matututo at lumago sa kahalagahan ng kabutihan ay nagmumula sa Dios. Bakit ang isang tao ay dapat na maging mabuti kundi para sa Dios?
Ang larawan ng Dios para sa atin ay kabutihan, awa, at pag-ibig. Sinabi ni Pablo sa Efeso 1-2, “na ang Kanyang layunin, bago pa likhain ang mundo, pinili na Niya tayo para maging banal at walang kapintasan sa paningin Niya.” Sinasabi sa Awit 36:5, “ Panginoon, ang Inyong pag-ibig at katapatan ay umaabot hanggang sa kalangitan.” Sa Awit 136:1, “Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil Siya’y mabuti, ang pag-ibig Niya’y walang hanggan.” Sa Awit 23:6, “Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan N’yo ay mapasasaakin habang ako’y nabubuhay. At tıtira ako sa bahay N’yo Panginoon, magpakailanman.” Si Jesus ay “nagkatawang-tao at namuhay kasama natin” ( Juan 1:14 ), ang İSA na pinagaling ang isang taong may malubhang sakit sa balat, binasbasan ang mga bata, at kinilala ang pananalig at halaga ng isang babaeng Hentil na naki-usap na pagalingin ang kanyang anak.
Narito ang isang pagsasanay. Ipikit mo ang iyong mga mata at ilarawan ang isang tao sa iyong buhay na iniisip mo na isang halimbawa ng kabutihan. Tingnan ang kanilang tindig, ang kilos ng katawan. Ngayon,tingnan mo ang sarili mo kung ikaw ay nababalisa at tumatanggi ng kabutihan sa isang tao na nasa paligid mo.
Katulad ng ibang paksa sa mga pag-aaral na ito, ako ay nag bago ng paraan sa kalagitnaan, nang aking naunawaan na ang aking pagtingin sa pagiging tagasunod ay nasa maling paraan. Sinimulan ko ang pag-aaral na ito sa kuro-kuro na kung paano maging mabuti, lalo na kung ito’y mahirap - sa mga “taong nakakasakit,” o sa mga taong hindi karapatdapat. At ngayon nga, ako ay nag-iisip kung paano kundi ang maging mabuti. Ako na nakatanggap ng labis at hindi karapatdapat. “Nguni’t nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na aking Tagapagligtas, iniligtas Niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa Kanyang awa” (Titus 3:4-5).
Nang aking banggitin ang Exodus 34:6, ay hindi ko isinama ang huling pangungusap: “Ipinapakita Ko ang pagmamahal sa maraming tao, at pinatatawad Ko ang mga kasamaan nila, pagsuway, at mga kasalanan. Pero pinarurusahan Ko ang mga nagkakasala, patı na ang kanilang salinlahi hanggang sa ikatlo at ika-apat na henerasyon.” Hindi ko dapat kalimutan na ang katarungan at kabutihan ng Dios ay kailangan ng aking pananalig at pagsunod.
Hindi ang “paminsan-minsan” na paggawa ng kabutihan ang katunayan ng ating pag-ibig at pananalig. Ito ay ang pagpapahintulot ng pakikipag-ugnayan sa Dios, sa pamamagitan ng mga Salita ng Espiritu, upang magbunga ng kabutihan sa akin. Ang larawan ko ng biyaya, habag, kabutihan, at awa sa lahat ng mga nabubuhay, sa aking paghahanap sa bahagi nila na nangangailangan ng maawaing puso. Ito ay ang aking kusang- loob na magpatawad sapagkat ako ay pinatawad.
Ako ay mahilig sa pagluluto sa hurno. At dahil gusto kong kumain ng mga pagkaing niluto sa hurno, sinisikap ko na magluto lalo na kung ako’y may mga panauhin. At mayroong niluto sa aking tahanan tuwing may pag-aaral ng Biblia - hindi dahil sa ako’y mabait. At tatapusin ko ang pagninilay sa higit na matamis na mga salita mula sa 1 Pedro 2:2: “Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espirituwal, upang lumago kayo hanggang makamtan n’yo ang ganap na kaligtasan, ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”