Nilalang kay Cristo Jesus Para sa Mabubuting Gawa
Gaano natin isinasaalang-alang ang handog na tayo bilang mananampalataya, samantalang naninirahan sa wasak na daigdig, na tila malayo sa Dios, ay tunay na kilala ang ating sarili, saan tayo patungo, at bakit tayo narito? Hindi ko tiyak kung ito ay aking nabigyan ng pagpapahalaga nang malimit sapagkat araw-araw ay napaliligiran tayo ng mga kaibigan, mga kasama sa gawain, na halos walang pag-asa na naghahanap ng layunin o kahulugan o naglalakbay na walang pakay?
Isaalang-alang natin ang salita ni propeta Isaiah sa kabanata 43:1 at 7:
“Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel. Huwag kang matakot dahil ililigtas Kita. Tinawag Kita sa pangalan mo, at ikaw ay Akin! …Sila ang mga taong Aking tinawag. Nilikha Ko sila para sa Aking karangalan.”
Sino ako? Ako ay babae, buong pagmamahal na nilalang ng Dios, tinubos nang Siya ay aking itinakwil. Alam Niya ang pangalan ko. Bakit ako narito? Ako ay nilalang Niya para sa Kanyang Kaluwalhatian.
Ang mabuhay nang payak sa magandang daigdig na nilalang ng Dios ay nagsisilbing paalala ng ating pakikipag-ugnayan na ipinahayag sa aklat ng Mga Awit 8:3-5:
“Kapag tumitingala ako sa langit na Iyong nilikha, at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa aking kinalalagyan, ako’y nagtatanong, ano ba ang tao upang Iyong alalahanin? Sino nga ba siya upang Iyong kalingain?Ginawa N’yo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel. Nguni’t pinarangalan N’yo kami na parang mga hari.”
Ngayon, ako ay narito, naaalala ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang pag-ibig, ang Kanyang karingalan, at ang pagkakautang ko sa Kanya. Ako ay handa na upang maglingkod sa Kanyang kaluwalhatian. Ano na ngayon?
Marami sa atin, sa ating paglalakbay bilang Kristiyano, ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa tao na bago pa lang sa pananampalataya kay Cristo. Sila ay pagod na sa bigat ng kasalanan at handa nang ipakita ang sarili upang magkaroon ng bagong buhay. Nguni’t ano ang nakapaloob sa bagong buhay? Sa isang karaniwang araw ng Martes? Sa gawain? Sa tahanan? Ano ang ginagawa ng isang Kristiyano?
Oo, tayo ay naglilingkod para sa Kanyang kaluwalhatian. Sa pagbabalik-tanaw, sa taong ito ng 2025, sa ating mga lathalain, tinalakay natin ang ating nalalaman tungkol kay Jesus - nakita natin ang Kanyang kaluwalhatian.Napag-usapan natin kung ano ang ating nararamdaman - kung paano tayo nananabik sa Kanya at minamahal ang Kanyang kaharian. Ngayon, sa wakas, ano ang ginagawa ng isang tunay na tagasunod ni Jesus?
Ito ay isang makatwirang katanungan - lalo na kung ang iyong kaalaman sa Biblia ay hindi pa lubos sa pagsisimula ng iyong paglalakbay. Iniisip ko na ito ay isang napapanahon na tanong para sa ating lahat. Paano ako namumuhay ngayon para sa kaluwalhatian at pagpupuri sa Dios?
At malimit, ang tugon ay ang Salita. Sa ika-2 Timoteo 3:16-17, sinasabi na ang lahat ng kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa. Tingnan natin kung paano inihanda ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod sa gawain na kanilang haharapin.
Samantalang si Jesus ay papalapit na sa mga huling araw at orasng Kanyang buhay, inihanda Niya ang Kanyang mga piniling tagasunod sa kanilang hinaharap. Malapit na Niyang lisanin ang Kanyang mga tagasunod. Ang Jerusalem at ang templo ay mawawasak. Nais ni Jesus na ang Kanyang mga tagasunod ay makatiyak na kahit na Siya ay lilisan, at ang mapanganib na panahon ay darating, Siya ay mananatili pa rin sa kanila, mayroon pa silang gawain, at Siya ay magbabalik isang araw.
Sinabi Niya ang tatlong payak na mga kuwento, mga talinghaga, na matatagpuan sa Mateo 24 at 25. Tinalakay Niya ang isang “ tapat at mabuting alipin” na itinalaga ng amo sa pangangalaga ng kanyang sambahayan ng pagpapakain sa tamang oras. Sinabi rin Niya ang tungkol sa 10 dalaga, 5 ang matatalino at 5 ang mga mangmang, na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal sa inihandang piging. At sinabi rin Niya ang amo na tinawag ang 3 alipin at “ ipinagkatiwala ang kanyang salapi sa kanila” at ibinigay sa bawat isa ang salapi.
Sa unang kuwento, sa pagbabalik ng Amo, kung nakita niya na ang alipin ng sambahayan ay ginawa nang tapat ang kanyang gawain - ang alipin at pagkakalooban ng biyaya at gantimpala. Ang limang matatalinong dalaga na handa na parangalan ang lalaking ikakasal ay pumasok na sa piging ng ikakasal. Ang mga alipin na ginamit ang salapi ng amo sa pagnenegosyo, at tumubo ng higit pa ay pinagkalooban ng kabayaran para sa kanila.
Ang mga kuwento ay payak, nguni’t ano ang layunin? Ano ang ating natutunan? Tunay nga, ang amo ay inilalarawan si Jesus. Ang haba ng panahon ay hindi ang paksa. Sa mga kuwento ng gawain sa sambahayan at ang salaping ginamit sa negosyo, ang amo ay sinasabing aalis nang matagal na panahon. Sa kuwento ng lalaking ikakasal, ito ay sa maikling oras lamang.
Ang mahalaga ay ang katapatan at pagsunod ng mga alipin at ng mga dalaga. Ang alipin na nang-api ng kapwa alipin ay parurusahan, gayundin ang alipin na nagtago ng salapi ng amo sa halip na ito ay gamitin sa negosyo. Ang mga dalagang mangmang ay hindi handa sa pagdating ng lalaking ikakasal at sila ay hindi pinapasok sa piging.
Iminumungkahi ko, na sa paghahanap natin ng katulad sa mga kuwentong ito, ay isaalang-alang natin ang gawain ng bawat isang tauhan. Ang alipin sa.sambahayan ay dapat na alagaan ang kapwa alipin. Ang mga dalaga ay dapat na maging handa sa pagpaparangal sa lalaking ikakasal. At ang mga alipin na pinagkatiwalaan ng salapi ay kailangang mapalago ang yaman ng amo.
Hindi ba tayo ay tinuruan na kailangan nating pangalagaan ang bawat isa, bigyan ng pag-asa ang bawat isa, bantayan ang kaluluwa ng ating mga kapatid, habang inaalagaan din natin ang kanilang pang-katawang pangangailangan. Tulad ng mga dalaga, hindi ba tayo ay dapat ding patuloy sa pagsamba sa ating Panginoon at purihin Siya sa ating buhay na walang hadlang sa ating pansariling alalahanin? Hindi ba dapat na palaguin ang kaharian ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita at tumingin sa pag-aani.
Isang paglalarawan ng mga kuwentong ito, ay binigyan ng diin ni Jesus, at sa aking palagay ay malimit din nating kalimutan, ay ang diwa ng madalian. “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng Aking pagbabalik.” Hindi natin alam kung may nalalabi pang mga taon upang maglingkod o kung ito ang araw ng muling pagbabalik ng Panginoon, o ang araw na dadalhin tayo sa kaharian. Nguni’t alam natin na maraming nawawala at nagdurusa sa kasalanan at ang bawat araw ng pagiging alipin ay mahalaga. Alam natin na may mga kapatid na nag-aalinlangan o nasasaktan, tulungan natin na maligtas sa kaparusahan na para bang “nagliligtas kayo ng isang bagay namasusunog na” (Jude 1:23). Ang iglesya, na “asawa ni Cristo” , ay kailangan laging nagbabantay at pinararangalan ang Lalaking ikakasal.
Sa pagbabasa ng Mateo 25, tinalakay ni Jesus ang araw ng paghuhukom. Paano Niya isasaalang -alang ang ating paglilingkod? Kanino Niya sasabihin, “Halikayo, kayong mga pinagpala ng Aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa ng likhain ang mundo.” Narito ang Kanyang hatol:
“Sapagkat nang nagutom Ako ay pinakain ninyo Ako, at nang nauhaw Ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan Ako ay pinatuloy ninyo sa inyong tahanan, at nang wala Akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit Ako ay inaalagaan ninyo, at nang nasa kulungan Ako ay binisita ninyo.” (Mateo 25:34-36).
Kaya,anumang araw, isang pangkaraniwang araw ng Martes, marahil, simulan natin ang araw sa pagbabasa ng Biblia at pananalangin. Pinupuri natin ang Dios sa ating mga puso at sa ating mga tinig. Tinutupad natin ang ating pananagutan sa ating pamilya, na pangalagaan sila at pagkalooban ng kanilang mga pangangailangan. Ibinibigay natin sa ating pinaglilingkuran ang tapat at paggalang sa pang-araw-araw na gawain. Tinuturuan natin ang ating mga anak na sumamba. Tayo ay nag-aaral upang maragdagan ang kaalaman, at ituro kung ano ang alam natin. Dinadalaw natin ang mga kapatid na Kristiyano at nagbibigay ng tulong kung may kailangan sila. Kinakausap natin ang ating mga kapitbahay, naaalala ba natin sila! Sila ang mga naghahanap ng layunin. Ang ating pang-araw-araw na buhay ay sinasalamin ang kapangyarihan at kaluwalhatian at pag-ibig ng Dios.
Ang ating pagkilala sa kaluwalhatian ng Dios, tulad ni Micas, ay nagbibigay sa atin ng dahilan na maghanap ng kahanga-hangang paraan upang mabigyan Siya ng kasiyahan. Tingnan natin ang Micas 6:6-8:
“Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Dios sa langit, kapag sasamba ako sa Kanya? Mag-aalay ba ako ng guya bilang handog na sinusunog? Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko Siya ng libo-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa Kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
Ang payak na tugon: “At ito ang nais Niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.”
Sino ako? Ano ang aking layunin? Ano ang dapat kong gawin? Isang malaking karangalan na ang Dios ay ipinagkaloob sa atin ang mga salita sa Efeso 2:16: “Nilikha tayo ng Dios, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan Niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon pa’y itinalaga na ng Dios na gawin natin.”
Tulad ng awitin, sinasabi na, “Ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makatatanggap ng gantimpala.” Purihin ang Dios!