Pagsusuri sa mga Kababaihan

Bonny Cable - Temple Terrace, FL

Magandang Balita, mga kababaihan! Mahal ng Dios ang mga kababaihan! Ang mga babaeng katulad natin, mga babaeng hindi tulad natin, minamahal Niya at minahal Niya. Ang mga babae ay mahalagang bahagi ng mensahe ng kaligtasan. Alam ko, ang ilan sa mga kuwento sa Biblia ay nakakatakot kung binabasa natin kung paano pakitunguhan ang mga babae noong nagdaang panahon, nguni’t ang mga pahina ng kasulatan ay hindi nagkulang sa pagsasabi sa atin ng mga kuwento tungkol sa mga kahanga-hangang babae na minahal ng Dios at ibinilang sa kuwento ng kaligtasan. Nang si Jesus ay narito pa sa daigdig, ay nakasalamuha Niya ang maraming babae na naglingkod sa Kanya, naniwala sa Kanya, nabuhay para sa Kanya, at minahal Siya. Ang mga manunulat ng Ebanghelyo ay binigyan tayo ng mga talaan ng mga babae na mula sa ibat-ibang antas ng buhay, at lahat ng antas ng pakikipag-ugnayan kay Cristo Jesus. Ang mga babaeng ito ay ipinagdiwang ang Kanyang kapanangakan, naupo sa Kanyang paanan, pinaglingkuran sa hapag-kainan, nakiusap na pagalingin ang karamdaman, ipinahayag ang Kanyang kapangyarihan, binuhusan ng pabango ang Kanyang mga paa, nakita ang huling sandali ng Kanyang buhay, ipinagluksa ang Kanyang kamatayan, at buong katapatan na inihanda ang Kanyang katawan sa libingan.

Sa lahat ng mga babae na pinarangalan na naging bahagi ng paglilingkod ni Jesus, tayo ay maglakbay patungo sa Bethany upang dalawin ang isa nang malapitan. Hindi, ang isang iyon. Tayo ay pumaroon sa kusina. Naroon ang babae na nagbibigay ng sigla sa oras na ito. Siya ay abala sa paghahanda. Ang kanyang tahanan ay puno ng maraming tao, nag-aagawan ng lugar upang marinig ang mga salita ni Jesus. Kailangang maymag-asikaso para sa paghahanda! Kaya ginawa niya ito. Siya ay pinagpapawisan sa init ng panahon at sa paghahanda ng lahat. Kung siya ay katulad natin, marahil ay may tuwalya siya sa kanyang balikat upang punasan ang kanyang mga kamay upang gawin nang mainam at mabilis ang bawat gawain, magluto ng tinapay, ihanda ang langis, ihanda ang hapag-kainan, tinitiyak na handa na ang lahat. Sa katapusan ng araw, tiyak ko na sabik na siyang mag-alis ng sapin sa paa at ipahinga ang kanyang mga paa upang pagmasdan ang bahay na ngayon ay wala ng mga tao, na sa nagdaang mga oras ay puno ng mga tao, na sabik na marinig ang mga salita ng buhay dito sa kanyang tahanan na mula sa kanyang Panginoon. Martha, Martha.

Si Martha ay malimit na hindi nauunawaan. Tiyak ko na narinig na ninyo ang kuwento. Ang puso ni Maria sa daigdig ni Martha na humihikayat sa atin na maghinay-hinay at maging katulad ni Maria; nakuha ko ang nilalayon ng aklat, nguni’t kung titingnan mo ang kabuuan ng kuwento ni Martha na isinasaad sa kasulatan, iniisip ko na dapat siyang bigyan ng halaga higit sa mga aklat at sermon na ipinagkaloob kay Maria. Ngayon, gagawin natin ang ginawa ng Panginoon sa kanya at ginagawa para sa ating lahat - si Martha ay ating tutubusin. Pararangalan natin ang Kanyang tapat na puso, kasama hindi lamang ang kanyang paglilingkod sa Panginoon, kundi ang kanyang mabuting pagpapahayag kung sino ang Panginoon sa kanya.

Una sa lahat, bigyan natin ng pansin ang pinagmulang pamilya ni Martha. Ayon kay Juan 11:5, “Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazarus.” Hindi natin alam kung sino ang kanilang mga magulang, nguni’t ang tatlong magkakapatid ay may natatanging ugnayan kay Jesus. Ang kanilang mga puso ay handa na para sa pagpupunla ng binhi ni Jesus, at ang binhing iyon ay nagkaroon ng ugat at naipakita sa salita at gawa. Nakita natin ang pananalig ni Maria sa pamamagitan ng pakikinig at pagbubuhos ng pabango sa paa ni Jesus (Juan 11:2). Ang pananalig ni Martha ay ipinakita sa salita at gawa.

Kung ang magkakapatid ay susundin ang pagkakasunod-sunod ng kapanganakan, malinaw na si Martha ang panganay. Siya ang namamahala sa mga pangyayari at gumagawa ng mainam upang ihanda ang lahat (nagsasalita ako ayon sa karanasan tulad ni Maria- na nakababatang kapatid na may sariling damdamin).  Nang marinig na dumarating na si Jesus, si Martha ay sinalubong ang Panginoon. Si Maria ay naiwan sa bahay. (Juan 11:20). Siya ay buong katapatan na nakipag-usap kay Jesus na nagpapakita ng malapit na ugnayan ng magkakapatid. Sinabi ni Martha na si Lazarus ay hindi sana namatay kung naroon si Jesus, dahil sa kanyang pananalig sa kapangyarihan ni Jesus sa lupa at alam niya ang kayang gawin ni Jesus. Idinagdag pa niya ang pangungusap na anuman ang hilingin ni Jesus sa Dios, ito ay ipagkakaloob, nangangahulugan na Siya ay mula sa Dios.

Ipinakita niya ang kanyang paniniwala sa muling pagkabuhay sa huling araw. Alam ni Martha na ang balak na ito ay matutupad at ang walang hanggang buhay ay naghihintay para sa mga tagasunod. Ang mga ito ay Malalaking paniniwala! Alam niya ito at sinasabi niya. Alam ni Jesus ang nilalaman ng kanyang puso, at alam Niya na alam ni Martha na ang lahat ng mga ito ay totoo. Si Jesus ay nagpatuloy sa pagsasalita upang bigyan pa ng linaw ang pagkabuhay na muli kay Martha, at kay Martha lamang. Siya ay nakatanggap ng natatanging aral at tumimo sa kanyang puso na nagmula sa Panginoong Jesus. Dito nagmula ang malaking pagpapahayag ni Martha. Kung alam ko lang ang talatang ito bilang isang batang mananampalataya, ginamit ko sana ito sa oras ng aking bautismo. Nang tanungin ni Jesus kung ito’y pinaniniwalaan niya, sumagot si Martha, “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako na Kayo ang Cristo, ang Anak ng Dios, na hinihintay naming darating dito sa mundo.”

Tunay, sinabi niya ito sa kay Jesus. Narinig ko ang katiyakan ng kanyang saligan ng pananampalataya. Tingnan natin ang mga pangalan na ginamit niya upang ipahayag ang kanyang pananalig.

Panginoon - ipinahayag niya na Siya ang kanyang pinuno. Siya ay sumasailalim sa Kanyang kalooban, na ipinaliliwanag kung ano ang dapat niyang gawin, at nakita niya na si Jesus ay hindi dumating upang iligtas ang kanyang kapatid sa panahon na inaakala niyang ginawa sana ni Jesus.

Ikaw ang Cristo - Sa pagtawag niya ng Cristo, ibinibigay niya ang pagpapakilala na si Jesus ang itinalaga ng Dios, ang isang pinili ng Dios. Si Maria ay ipinakita sa gawa sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pabango sa mga paa ni Jesus; si Martha ay ipinahayag ito nang malakas.

Ikaw Ang Anak Ng Dios - Dito ay ipinahayag ni Martha na si Jesus ay Dios at bahagi ng pamilya ng Dios. Alam niya na Siya ay nagbuhat sa Dios at ipinadala ng Dios.

Ang Darating sa Mundo - Ang pangungusap na ito ay tumutukoy sa darating na Mesiyas na ipinahayag sa Aklat ng mga Awit 118:26, “Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.” Si Jesus ang Nag-iisa. Alam ito ni Martha at siya’y naniniwala rito. 

At sa katapusan, nang tinawag niya si Maria sa 11:28, tinawag niya si Jesus na Guro. Bagaman ito ay karaniwang tawag ng mga tagasunod, ito ay nagbibigay ng halaga sa kanyang pakikipag- ugnayan kay Jesus. Siya ay tagasunod ni Jesus, at gayun nga , siya ay may kusang-loob na matuto mula sa Kanya.

Ang nakapagpapasaya sa puso para sa akin ay tungkol sa Panginoon na makikita natin sa Juan 12:2. Isang Linggo bago ang Kanyang kamatayan, si Jesus ay bumalik muli sa bahay nina Martha sa Bethany, at nasaan si Martha? Siya ay muling naglilingkod. Ngunit sa oras na ito, sıya ay hindi na pinapagalitan o sinusumbatan o iwinawasto. Pinabayaan siya. Si Martha ay ipinahayag ang kanyang pananalig kay Jesus, at ngayon ay ginagawa na niya ang dapat niyang gawin, ang ilagay sa ayos ang lahat. Alam ni Jesus ang kanyang puso. Nakikita Niya angkalagayan ng kanyang pananalig. Narinig Niya ang mga salita ni Martha. Sa pagitan ng unang araw at panahon ngayon, isang bagay ang nagbago kay Martha - ang pakikipagharap kay Jesus ay kung ano ang magagawa sa isang tao.

Ang makikita natin dito ay ang Panginoon ay nakikita kung sino tayo. Siya ay dumarating anuman ang ating pagkatao, at ang pakikipagharap sa Kanya ay makapagpapabago at huhubugin tayo, kung ating pahinintulutan. Kung tayo ay maglalakad na kasama Siya, matuto mula sa Kanya, at makikipag-usap sa Kanya, pinapalago Niya ang binhi ng pananalig sa atin. Maipapahayag natin na Siya ang Panginoon, ang Cristo, ang Anak ng Dios na ipinadala sa daigdig, at Guro ng ating mga puso. Tulad ni Martha, ikaw ay mahal din ng Panginoon.


Previous
Previous

Ang Pagka-awa Tulad ni Jesus

Next
Next

Ang Pagsusuri sa mga Lalaki