Pagninilay sa Bunga ng Espiritu - Kapayapaan 

Ikaw ba ay napapagod na sa mundo, nanghihina ang loob, na inaaliw na lamang ang sarili sa pag-iisip na ikaw ay nasa malayong lugar? Isang magandang lugar, kung saan ang araw ay sumisikat at ang mga bulaklak ay sumisibol? Sa lugar na ito, walang masama na makalalapit sa iyo; walang makakakita sa iyo at walang panganib sa iyo. Dito ay makapapanalangin ka sa Dios nang mahabang oras, walang pang-aabala ng buhay at sa kasamaan ng mundo. Ito ang lugar ng tunay na kapayapaan - kapayapaan kasama ang Dios at kapayapaan kasama ng tao.

Marahil ay napag-alaman mo na ang lugar na aking inilalarawan ay ang halamanan na itinanim ng Dios sa Eden. Ito ay mapayapang lugar na itinakda ng Dios para sa lalaki at babae upang makamtan ang kaligayahan nang sila’y lalangin. Ito ang daigdig kung saan ang bunga ng Puno ng Karunungan ng Mabuti at Masama ay hindi nahahawakan at hindi ninanais.

At pagkatapos, ang pagsuway sa pananalig at pagtanggi sa lahat ng ipinagkaloob ng Dios, ang kasalanan ay nagpinid sa pintuan ng halamanan. Ang bawat salin-lahi ay binigyan ng pagkakataon upang piliin ang Dios laban sa kasalanan, at ang bawat salin-lahi ay hindi nagtagumpay. Makalipas ang ilang salin-lahi pagkatapos sa Halamanan, sa panahon ni Noah, ang mga tao ay lubhang naging masama - at anong liit ng kapayapaan ang nasa daigdig! Sa aklat ng Genesis, ay inilarawan ang mga tao na napakasama at ang iniisip ay kasamaan sa lahat ng oras, at ang Dios ay nagpasya na magsimulang muli. At ang mamamayan ng binagong daigdig, si Noah at ang kanyang mga anak, ay nagkasala, at naunawaan natin na ang kapayapaan na ipinagkaloob sa Halamanan at saan man sa daigdig ay naging imposible.

Ang kasaysayan sa Lumang Tipan ay daigdig ng pagsasalungatan at digmaan. Ang Dios ay nagsikap na dalhin ang Kanyang mamamayan sa Lupang Pangako, kung saan sila ay mamumuhay nang mapayapa at masagana at maging halimbawa ng Kanyang karunungan sa lahat ng bahagi ng mundo. Ang lupain ay binubukalan ng gatas at pulot, ng mga butil at langis, sila ay magiging malusog at masagana, at Siya’y mananatili sa kanila at sila’y aakayin Niya. Samantalang ang Dios ay tinupad ang Kanyang pangako na ipagkakaloob sa kanila ang lupain, ang kanilang pagpili ng pagtanggi sa Kanya ay nagbigay sa kanila ng mga kaaway at kaguluhan at naging mga bihag. Ipinaalala sa kanila ng Dios ang “Kung kayo lamang ay sumunod sa Aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay ay sunod-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan,” na ating mababasa sa aklat ng Isaiah 48 :18.

Gayunman, sa pinakamadilim na bahagi ng panahon, ang Dios ay hindi iniwan ang Kanyang mga anak o ang Kanyang pangako. Sinabi Niya sa Isaiah 54:10, “Ang pag-ibig Ko sa iyo ay hindi mawawala, maging ang kasunduan Ko sa iyo na ilalagay Kita sa magandang kalagayan.” “Ipanganganak Ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin Siyang “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang-hanggang Ama, at Principe ng Kapayapaan””(Isaiah 9:6).

Ang isang iyon, si Jesu Cristo, ay nakipagkasundo ng kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay para tubusin tayo. “At sa pamamagitan ng kamatayan Niya, pinagkasundo Niya tayo. Pinagkaisa Niya ang mga Judio at ang mga hindi Judio sa pamamagitan sa paggiba sa pader na naghihiwalay sa atin. Ang pader na giniba Niya ay ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga tuntunin nito. Ginawa Niya ito upang pag-isahin ang mga Judio at hindi Judio, nang sa gayon ay magkasundo na ang dalawa. Ngayong isang katawan na langtayo sa pamamagitan ng kamatayan Niya sa krus, winakasan na Niya ang alıtan natin at ibinalik Niya tayo sa Dios. Pumarito si Jesus at ipinahayag ang Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan sa inyong mga hindi Judio na noong una ay malayo sa Dios, at maging sa aming mga Judio na malapit sa Dios. Ngayon tayong lahat ay makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng isang Banal na Espiritu dahil sa ginawa ni Cristo para sa atin” ( Efeso 2: 14-18 ). Wala na tayo sa labas ng halamanan, sa labas ng tabing, malayo sa pakikipagka-isa sa Dios. Ngayon, dito sa daigdig, malalaman natin ang kapayapaan- kapayapaan kasama ang Dios at kapayapaan kasama ang tao.

Ang kapayapaan sa Dios ay mahigpit na nakatali sa pagsunod at katuwiran. Sa Isaiah, ipinangako ng Dios ang isang Hari na mamumuno na may katuwiran. Sinabi Niya, “Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman” (Isaiah 32: 16-17).

Ang lathalain na ito tungkol sa kapayapaan ay ikatlo sa mga hanay na aking isinusulat kasama ang ilang kaibigan tungkol sa bunga ng Espiritu. Sa aking pagsusulat noong Disyembre, ito ay ang panahon ng taon kung saan ang daigdig ay nagagalak sa paggunita ng pagsilang ni Jesus at ang kapayapaan na ipagkakaloob sa mundo. Nguni’t sa Mateo 10: 34, sinabi ni Jesus na Siya’y hindi naparito dito sa lupa upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. Ang kapayapaan sa pamamagitan ni Cristo ay nangangahulugan ng pagtatakwil sa tao o bagay upang ibigay ang buong sarili sa Dios at sa Kanyang kalooban. Samantalang ako ay nagagalak na ang isang bahagi ng taon ay nagbibigay sa tao ng pansin kahit bahagya sa mga biyaya at pag-ibig ng Dios kay Cristo, alam ko na ang salin na ito ng kapayapaan at kagalakan ay panandalian lamang at hungkag. Kung ako ay naniniwala na maipagpapatuloy ko ang paghahanap ng sariling hangarin na walang pagsunod at pagmamahal sa Prinsipe ng Kapayapaan, ang buwan ng Enero ay patuloy namagbibigay ng hidwaan at kalungkutan, at anumang kapayapaan na aking iniisip na nasa akin ay maglalaho.

Sa pagbabalik sa panimulang kabuuan ng mga lathalaing ito, ang sulat ni Pablo sa iglesya sa Galatia, ang mga Kristiyano roon ay nasa gitna ng hidwaan sa pagtalikod nila sa tunay na Magandang Balita ni Cristo. Sa kanilang pagnanais na muling bumalik sa lumang kautusan, ang mga gawain na nagbibigay ng kaparusahan ay naging bahagi ng kanilang pakikipag-ugnayan sa bawat isa.

Si Pablo ay pinaaalalahanan sila. Bigyan natin ng pansin ang talaan at makikita mo ang mga kilos ng mundo sa ating paligid araw-araw. “Ang mga taong sumusunod sa ninanasa ng laman ay nakikilala sa gawa nila: seksuwal na imoralidad, kalaswaan, kamalayan, pagsamba sa mga dios-diosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagkasakim, pagkagalit, pagkaka- watak-watak, pagkakahati-hati, pagka-inggit, paglalasing, pagkahilig sa kalayawan, at iba pang kasamaan. Binalaan ko na kayo tulad ng ginawa ko na noon. Ang namumuhay ng ganito ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.” Ipinagpatuloy niya, “ Nguni’t ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahan-loob, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” ( Galatia 5: 19-23 ).

Upang ang kapayapaan ay maging bunga ako o kinalabasan ng Espiritu sa akin, kailangan kong maunawaan ang kanyang halaga at ang kanyang kapangyarihan. Kailangan kong gugulin ang oras sa Salita, malaman ang nais ng Dios upang ako’y makabalik sa kapayapaan Niya. Kailangan kong sambahin Siya na nakapagpapatahimik ng dagat sa pamamagitan ng Kanyang salita. Pinatigil Niya ang malalakas na hangin at malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. Dapat akong lumayo sa masama at gawin ang mabuti; Kailangan kong pagsikapang “makamit ang kapayapaan at ipagpatuloy ito.”(1Pedro 3:11). İyon lamang at ako ay magiging mapayapa sa kabila ng mga unos ng buhay. İyon lamang, na ang kapayapaang ito ay magbibigay sa akin ng pagpapala sa aking mga pakikipag-ugnayan.

Sa “payapang lugar” na ito, ako ay ligtas at may kapahingahan. Ang mundo ay maaaring tumingin ng may paghanga, at marahil ang halimbawa ng aking buhay ay makapagbibigay sa kanila ng pagkakataon sa ganitong kaaliwan. “At ang kapayapaan ng Dios na hindi kayang unawain ng pag-iisip, ay mag-iingat sa inyong mga puso at ng inyong mga pag-iisip kay Cristo Jesus”, ( Filipos 4: 7 ).

Sa aking pag-aaral at pagninilay ng araling ito para sa pag-aaral ng mga kababaihan, ang awiting “It Is Well With My Soul” ang naging himig sa aking isipan. Ibinabahagi ko ang mga salita ng awitin:

“When peace like a river attends my way; when sorrows like sea billows roll, whatever my lot, You have taught me to say, it is well, it is well with my soul. Though Satan should buffet, though trials should come, let this blest assurance control, that Christ has regarded my helpless estate and has shed His own blood for my soul.

My sin - O the bliss of this glorious thought - my sin, not in part, but the whole is nailed to the cross and I bear it no more. Praise the Lord, praise the Lord, O my soul.

And Lord, haste the day, when the faith shall be sight, the clouds be rolled back as a scroll. The trumpet shall sound and the Lord shall descend! Even so, it is well with my soul.”


Previous
Previous

Pagninilay sa Bunga ng Espiritu - Pagtitiis / Pagtitiyaga

Next
Next

Mga Kalayaan at Kababaang Loob kay Cristo