Paghahanap ng Kapayapaan sa Gitna ng Pagdurusa
Sa pag-iisip ng mga tauhan sa Biblia na nagpakita ng halimbawa ng kapayapaan sa pagkawala at biglang pagbabago, ang kuwento ni Job ang nangingibabaw. Ang kuwento ay inilarawan ang lalaki na nakaranas ng hindi sukat akalain na kasawian sa maikling panahon. Ang kanyang mga karanasan ay magbibigay sa atin ng pagka-unawa kung paano tayo makikipaglaban sa kapighatian, pagkalito, at ang malinaw na katahimikan ng Dios. Ipinakita ni Job na ang kapayapaan ay matatagpuan kahit na ang buhay ay gumuguho nang walang babala.
“May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan” (Job 1:1). Isang kahanga-hanggang paglalarawan ng isang tao ng Dios. Siya ay inilarawan na pinakamayaman sa buong lupain ng Israel, iginagalang, at ang kanyang buhay ay masasabing matatag at pinagpala. Gayunman, si Satanas ay dumating, at hinangad na guluhin ang daigdig ni Job: Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa Iyo dahil pinagpapala Mo siya. Iniingatan Mo siya at ang sambahayan niya, patı na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala Mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. Pero subukan Mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa Ka niya ” (Job 1:9-11). Pinahintulutan ng Dios na si Job ay dumaan sa pagsubok, at sa şunod-sunod na pangyayari, ay nawala ang kanyang mga hayop, ang kanyang mga alipin, at ang pinakamalaki - ang kanyang mga anak.
Ang biglaang pangyayari ng mga ito ay kapansin-pansin. Si Job ay hindi dahan-dahang dumanas ng kahirapan; siya ay biglang itinulak sa kasamaang-palad. Ang isang tagapagbalita ay sinundan ng isa pang tagapagbalita; ang bawat-isa ay naghahatid ng masamang balita higit sa nauna. Ito ay naglalarawan ng karanasan ng mga tao sa tunay na buhay. Ang isang tawag sa telepono, isang pagsusuri, isang likas na kapahamakan, o isang pagbagsak ng ekonomiya ay magpapabago sa isang iglap. Ang kapanatagan ay mawawala sa magdamag. Ang Dios ay hindi binabawasan ang pagkabigla. Sa halip, ay ipinakita Niya ang lalaki na isinawalat ang kanyang hapis at kalungkutan.
Ang unang tugon ni Job sa pagkawala ay wagas at may buong paggalang. Pinunit ni Job ang kanyang damit, inahitan ang kanyang buhok sa ulo, at nagpatirapa sa lupa dahil sa pagdadalamhati. Subalit, sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon” (Job 1:21). Ang pangungusap na ito ay hindi pagtanggi sa sakit. Ito ay isang pagkilala sa katotohanan na kasama ang pagsuko. Si Job ay hindi nagkunwari na siya ay hindi nabahala. Siya ay lubos na naghinagpis, nguni’t hindi niya iniwan ang pananalig sa kanyang kapighatian.
Gayunman, si Satanas ay hindi nasiyahan; muli niyang tinanong ang katapatan ni Job: Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya basta’t buhay lang siya. Pero kapag siya na ang sinaktan Mo, tiyak na isusumpa Ka niya” (Job 2:4-5). Ipinagkaloob ng Dios kay Satanas ang pagkakataon na saktan ang kalusugan ni Job, nguni’t hindi niya dapat kunin ang buhay ni Job. Si Job ay sinaktan sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang sa talampakan: “Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamitna pangkayod sa kanyang mga sugat habang naka-upo sa abo” (Job 2:8). Maging ang kanyang asawa ay sinabi na sumpain niya ang Dios at mamatay na siya.
Nguni’t ang kanyang pakikipaglaban ay lalong naging magulo. Ang kanyang tatlong kaibigan — si Eliphaz, Bildad, at Zophar - ay dumating upang siya’y aliwin. Noong una, ang tatlo ay umupo nang tahimik sa loob ng pitong araw, na marahil ay isang paraan upang ipakita ang kanilang pakikidalamhati. Nguni’t nang sila’y magsalita na, ipinilit nila na ang paghihirap ni Job ay dahil sa nakatagong kasalanan. Ang kanilang paniniwala ay payak: ang mabubuting bagay ay nangyayari sa mabubuting tao; ang masasamang bagay ay nangyayari sa masasamang tao. Samakatuwid, kung si Job ay naghihirap, ito ay karapat-dapat lang sa kanya.
Ang katuwirang ito ay nagpalakas pa ng pagdadalamhati ni Job. Hindi lamang nawala ang lahat sa kanya, kundi pinag-aalinlanganan pa ang katapatan ng kanyang pagkatao. Ang kanyang mga kaibigan ay inilalarawan ang karaniwang saloobin ng tao: ipaliwanag ang paghihirap sa isang malinis, maayos na mga salita. Malimit tayong naghahanap ng dahilan sapagkat ang mga dahilan ay nagbibigay sa kaguluhan ng kaayusan. Subalit sa kuwentong ito, ipinakita ng Dios na ang payak na balangkas ay mali. Ang paghihirap ay hindi tuwirang pagpaparusa. Ang biglaang pagbabago sa buhay ay hindi dahil sa pansariling kabiguan.
Ang tugon ni Job sa kanyang mga kaibigan ay maalab na katapatan. Isinumpa niya ang araw na isinilang siya. Tinanong niya kung bakit ang matuwid ay nagdurusa at ang masama ay umuunlad. Siya ay tumangis sa Dios ng paliwanag. Sa halip na siya’y parusahan dahil sa kanyang mga tanong, ang katapangan ni Job ay naging bahagi ng kanyang espirituwal na paglalakbay. Ipinakita niya na ang kapayapaan ay hindi nangangailangan nasupilin ang pag-aalinlangan o pagdadalamhati, sa halip, ang kapayapaan ay lumilitaw sa pamamagitan ng pakikihamok, pagtatanong, at pagtanggi na mawala sa pakikipag-ugnayan sa Dios - kahit na tila ang lahat ay laban sa atin.
Ang isa sa pinakamalakas na bahagi ng kuwento ni Job ay ang Dios ay tumugon sa kanya - nguni’t hindi sa paraan na inaasahan niya. Nang ang Dios ay nagsalita mula sa ipo-ipo, Siya ay hindi nagbigay ng detalyadong paliwanag ng makalangit na pag-uusap na nagsimula ng paghihirap ni Job. Sa halip, Siya ay nagtanong tungkol sa pundasyon ng daigdig, ang hangganan ng dagat, at ang hiwaga ng mga nilalang. Ang bunga nito kay Job ay nakakababang-loob. Siya ay pina-alalahanan sa napakalawak na karunungan ng Dios kung ihahambing sa pang-unawa ng tao.
Ang sandaling ito ay nagkaroon ng pagbabago. Napatotohanan ni Job na bagamat hindi niya nauunawaan ang mga dahilan ng kanyang paghihirap, siya ay magtitiwala sa katauhan at kapangyarihan ng Dios. Sinabi niya, “Totoo pong nagsalita ako ng mga bagay na hindi ko naiintindihan at mga bagay na hindi ko lubos na maunawaan” (Job 42:3). Ito ay hindi pagkatalo kundi pagpapalaya. Ang kapayapaan ay hindi dumarating na dala ang lahat ng katugunan, kundi ang pagkilala sa hangganan ng bawat pananaw.
Sa katapusan, ang kayamanan ni Job ay naibalik. Siya ay muling nagkaroon ng mga anak, mabuting kalusugan, at kasaganaan higit pa sa dati. Subalit ang pagpapanumbalik ay hindi nagbura sa katotohanan ng kanyang naunang pagkawala. Ang pilat ay bahagi ng kanyang kuwento. Ang tunay na pagbabago ay ang pagkaunawa ni Job. Siya ay kumilos mula sa pananalig na nakasalalay sa namanang karunungan hanggang sa pananalig na naaayon sa karanasan. Sinabi niya, “Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa Inyo,pero ngayonay nakita ko na Kayo” (Job 42:5). Ang kanyang paghihirap ang naging kabuuan ng higit na malalim na ugnayan sa Dios.
Para sa atin, ang kuwento ni Job ay nagbibigay ng maraming aral tungkol sa paghahanap ng kapayapaan sa pagkawala at dagliang pagbabago. Una, ito ay pinatutunayan ang kapighatian. Ang pagsira ng damit at pagtangis dahil sa sakit ay hindi palatandaan ng mahinang pananalig. Ito ay tugon ng sangkatauhan sa masidhing pagkawala. Si Jacob ay nagdalamhati sa pagkawala ni Jose, si David sa pagpatay kay Saul at Jonathan; sina Maria at Martha sa pagpanaw ni Lazaro.
Pangalawa, ito ay nagbababala laban sa madaliang paliwanag. Hindi lahat ng paghihirap ay ayon sa payak na uri na pangkaisipan. Ang pagiging maawain ay malimit na kailangan ang katahimikan kaysa pagsasalita. Si Santiago ay hinihikayat tayo, “Tularan ninyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon” (5:10).
Pangatlo, si Job ay ipinakita ang kahalagahan ng pagtitiyaga. Kahit na tinanong niya ang Dios, ang kanyang mga tanong ay patungo sa Dios. Hindi niya tinuligsa ang Dios. Ang pagpupumilit ay bukas na pintuan para sa pagbabago. Dahil dito, siya ay naging halimbawa para sa atin: “Hindi ba’t itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam n’yo ang pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon” (Job 5:11).
Sa katapusan, itinuro ni Job na ang kapayapaan ay hindi nakasalalay sa mga pangyayari na babalık sa karaniwan. Ang tunay na kapayapaan ay nakasalalay sa pagtitiwala — pagtitiwala na may higit na malaking katotohanan na hindi natin nakikita: “Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan”(Mga Kawikaan 3:5).
Sa panahon ng dagliang pagbabago, kung ang buhay ay hindi panatag at hindi makatarungan, ang kuwento ni Job ay patunay ng matatag na pananalig. Hindi ito nangangako na hindi ka makararanas ng sakit. Sa halip, ito ay nagbibigay ng katiyakan na ang pagkawala at pagkalito ay hindi ang huling pangungusap. Sa pamamagitan ng tapat na panangis, ang pananalig na may pagtitiis, at mapagpakumbabang pagtanggap, ang kapayapaan ay matatagpuan - dahil ang paghihirap ay nagbibigay ng kahulugan, ang pagtitiwala ay matitiis: “…Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi Ko kayo iiwan o pababayaan man.” Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin, ‘Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako natatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?’” ( Hebreo 13:5-6 ).